Napatay ng mga alagad ng Quezon City Police ang ikalawang suspek sa kaso ng panggagahasa sa dalawang kababaihan habang sakay ang mga ito ng isang colorum van sa Quezon City dakong alas 4:00 ng madaling araw, kanina.
Sa inisyal na ulat, nasawi ang suspek na si Alfie Turado alyas ‘Buddy’ makaraang magtangka umanong mang-agaw ng baril sa kanyang mga police escort habang sakay ito ng mobile patrol ng Criminal Investigation and Detection Unit QCPD.
Una rito, naaresto si alyas ‘Buddy’ sa Bgy. Obrero sa lungsod Quezon dakong alas-2:00 ng madaling araw sa tulong ng ilang concerned citizens at mga opisyal ng barangay.
Nadala pa ang suspek sa tanggapan ng QCPD-CIDU at naipresinta pa sa mga mamamahayag.
Gayunman, nang isama itong muli ng mga pulis sa kanilang mobile upang ituro umano ang ilang mga gamit na kanyang ninakaw sa mga biktima, dito na umano ito nanlaban ang suspek kaya’t napatay ito ng mga pulis.
Si alyas ‘Buddy’ ang isa pa sa mga itinuturong suspek na halinhinang gumahasa sa dalawang dalagang pasahero ng isang colorum van habang umaandar ang naturang sasakyan at naglilibot sa northern part ng Metro Manila.
Una nang naaresto ang unang suspek na si Wilfredo Lorenzo na positibong kinilala ng dalawang biktima na siyang gumahasa sa kanila.