Tinutulan ni dating Senator Leila de Lima ang hirit ng panig ng prosekusyon na mabuksan muli ang isa sa dalawang drug cases na kanyang kinahaharap.
Naghain na ang kampo ni de Lima ng kanilang oposisyon sa mosyon ng Department of Justice (DOJ) prosecutors sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204.
Nais ng DOJ na mabuksan muli ang Case 17-165 para maiharap ang bago nilang testigo, si Atty.Demiteer Huerta ng Public Attorney’s Office (PAO).
Isinampa ang naturang kaso noong Pebrero 2017 sa akusasyon na nagsabuwatan sina de Lima at ang dati nitong bodyguard na si Ronnie Dayan para sa illegal drug trading sa loob ng National Bilibid Prison.
Naging testigo ng prosekusyon laban kay de Lima si dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos, na noong nakaraang taon ay binawi ang kanyang mga naging testimoniya.
Nagkasundo na ang dalawang panig na madesisyunan na ang kaso at naitakda na ang promulgasyon sa Mayo 12.