May mga Filipino sa Sudan ang nagpapasaklolo at nais nang makalabas ng naturang bansa dahil sa gulo sa pagitan ng dalawang puwersa.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo de Vega, naghahanap pa ng paraan ang Philippine Embassy sa Egypt, na may hurisdiksyon sa Sudan at ang Philippine Honorary Consul in Khartoum para mailigtas ang mga naturang Filipino.
Nanatiling sarado ang airports sa Sudan, ayon kay de Vega, at ang tanging paraan ay ang siyam na oras na biyahe patungong Egypt.
Pagbabahagi pa ng opisyal na nakatanggap na si Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago ng 87 hiling para sa evacuation at repatriation.
“Naka-receive na siya ng at least 87 requests na tulungan silang makaalis. Yung iba gusto narin umuwi,” ani ni De Vega sa isang panayam sa telebisyon.
May 400 Filipino ang nasa Sudan sa kasalukuyan.
Halos 300 na ang namatay at 2,600 ang nasugatan sa gulo sa pagitan ng puwersa nina Sudan leader, General Abdel Fattah al-Burhan, at paramilitary leader, General Mohamed Hamdan Dagalo.