Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Foreign Affairs na tingnan ang kalagayan ng 150,000 na overseas Filipino workers sa Taiwan.
Utos ito ng Pangulo matapos sabihin ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na huwag suportahan ang Taiwan independence kung mayroong malasakit ang pamahalaan sa mga OFW.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, nakalatag naman na ang contingency plan sakaling ilikas ang 150,000 na OFW.
“He has given the general order na always watch out for the safety and welfare of all OFWs including in Taiwan. And again, through Malacañang and other offices, we wish to reassure everyone, including other countries and our partners, the Philippines is a peaceful country,” pahayag ni de Vega.
Tinitukan kasi ng China ang ginawang pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas sa Amerika.
Matatandaang apat na base military pa idinagdag sa Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Pero kalaunan, sinabi ni Huang na misquoted ang kanyang pahayag.
Ayon kay de Vega,walang intensyon ang Pilipinas na makisawsaw sa military actions ng alin mang bansa.
“Wala tayong intent na gumawa ng offensive military actions. There is no need for anyone to make statements which would make it appear that our OFWs are being targeted – hindi po. So the President is reaching out to our various offices about this,” pahayag ni de Vega.
Sa kabila ng banta ng China, sinabi ni de Vega na sadyang matatapang ang mga Filipino.
“Alam ninyo, kabayan, mga Pilipino, matatapang tayo kaya mahal tayo ng ating mga employer sa ibang bansa, hindi basta-basta uuwi iyan kasi siyempre gusto nila kumita rin at kung talagang wala namang giyera ay tuloy silang magtatrabaho. So, wala pa kaming nababalitaan na gustong umuwi, may mga nag-comment na may mga plano pero mayroon ngang mga plano in case kailangang i-evacuate pero hindi naman siguro aabot tayo sa sitwasyon na ganoon. So far, nobody is asking for a repatriation to go home,” pahayag ni de Vega.