Mga Teves ang hari ng Negros Oriental – Mayor Janice Degamo

 

Direktang tinukoy ni Pamplona, Negros Oriental  Mayor Janice Degamo ang pamilya ni suspended Cong. Arnolfo Teves Jr., na sangkot sa mga patayan at iba pang karahasan sa kanilang lalawigan.

Ginawa ito ni Degamo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order ukol sa pagpatay sa kanyang asawa, si Gov. Roel Degamo.

Ipinakita ni Mayor Degamo ang listahan ng 49 na mga biktima ng pagpatay sa Negros Oriental mula 2007 at ang mga kasong ito ay konektado dahil lumalabas sa ilang mga kaso na pareho ang suspek sa pagpaslang patunay na may private armed groups ang mga Teves.   Maliban dito, kinatatakutan din ang pamilya sa kanilang lugar dahil kapag ang mga Teves ang kalaban at inireklamo walang abogadong gustong tumanggap sa kaso at minsan pa aniya ang piskalya pa ang magrerekomenda na huwag nang ituloy ang reklamo.   Dagdag pa ng biyuda, maging ang Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment of Natural Resources (DENR) at Commission on Elections (COMELEC) sa kanilang lalawigan ay takot din sa mga Teves dahil sa pangamba na baka raw sila ay mapatay.   Ibinahagi rin ni Mayor Degamo ang impormasyon na tuloy pa rin ang iligal na e-sabong sa kanilang probinsya na minamanduhan ng anak ng kongresista na si Kurt Matthew Teves at may proteksyon mula kay dating Gov. Pryde Henry Teves.   Itinanggi naman ni dating. Gov. Pryde Teves ang akusasyon ng Alkalde at sinabi rin nitong nakapagsumite na siya ng waiver sa Department of Justice (DOJ) para masilip ang kanyang bank accounts upang patunayan na wala siyang iligal na aktibidad.
Read more...