Tolentino: Pagsasanay sa paglilikas ng 150,000 OFWs sa Taiwan dapat kasama sa Balikatan exercises

 

Hiniling ni Senador Francis Tolentino na isama sa Ph-US Balikatan exercises simulasyon ng paglilikas ng mahigit 150,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan bilang paghahanda sa posibleng paglala ng tensyon sa pagitan ng Amerika at China.

Ayon sa senador dapat pag-aralan na ng namumuno sa Philippine contingent sa “war exercise”  ang mga maaring gawing hakbang lalo na ang paglilikas sa libo-libong Filipino sa Cagayan o Batanes mula sa Taiwan gamit ang mga barko.

Paniwala ni Tolentino  ang sea evacuation ang pinakaposibleng paraan ng paglilikas upang mabilis na maibalik sa bansa ang mga OFWs na nasa Taiwan.

Dagdag pa nito na nararapat na ikunsidera ang partisipasyon ng commercial vessels sa evacuation simulation upang mapabilis ang pagbabalik sa bansa ng mga maapektuhang OFW.

Samantala, pinaalalahanan ni Tolentino si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Balikatan ay hindi nakadisenyo para sa anumang aksyon kaugnay sa girian sa Taiwan at China bagkus bilang proteksyon ng bansa.

Pinayuhan din ng mambabatas ang diplomat ng China na mag-ingat sa kanyang pagsasalita upang mapangalagaan din ang relasyon nito sa bansa.

Read more...