“Virtual attendance” ni Rep. Arnie Teves sa Senate probe hinarang

SENATE PRIB PHOTO
Napagkasunduan sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na huwag nang payagan ang pagharap ni suspended Negros Oriental Representative  Arnolfo  Teves Jr., sa “hybrid hearing” tungkol sa karumal-dumal na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo. Bago ang pormal na pagsisimula ng pagdinig, binasa ni Sen. Ronald  dela Rosa ang napagkasunduan ng mga miyembro ng komite sa ipinadalang liham ng apila ni Mayor Janice Degamo na tumututol sa pagpayag ng Senado na dumalo si Teves sa imbestigasyon sa pamamagitan lang ng teleconference. Sa ruling ng panel, ‘unanimously’ ay nagkasundo silang mga senador na hindi na payagan na ‘virtually’ lang haharap sa pagdinig si Teves. Ayon kay dela Rosa, posibleng may mga legal issues na lumutang sa panunumpa para sa testimonyang ihahayag ni Teves kung via online lang haharap ang suspendidong kongresista. Tinukoy din ng senador na hindi rin nalalaman kung nasaan bahagi ng mundo naroroon si Teves at ang hurisdiksyon ng kanyang  panunumpa ay maaaring makuwestiyon. Samantala, sa pagdinig ay personal na humarap ang biyuda ni Degamo na si Mayor Janice, gayundin sina Justice Sec. Jesus Crispin Remulla at Comelec Chairman George Garcia. Gayundin ang kapatid ni Teves na si dating Negros Governor Pryde Henry Teves na damay din sa alegasyon na sabit ito sa pagpaslang kay Degamo.

Read more...