Kelot kalaboso sa nakaw na celfone dahil sa GCash
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Naging malaking tulong ang GCash, ang e-wallet service ng Globe, para mahuli ang isang lalaki sa pagbebenta ng nakaw na mobile phone.
Base sa ulat, inalok ni Fritz Kelly Siscar, ng Barangay San Bartolome, Quezon City, ang nakaw na cellphone sa marketplace sa social media account ng may-ari ng telepono.
Binayaran sa kanya ang cellphone ngunit matapos matanggap ang bayad ay sadyang hindi niya ito ibinigay.
Nakipag-ugnayan na sa pambansang-pulisya ang may-ari ng cellphone, gayundin ang napagbentahan ng telepono.
Sa tulong ng Globe GCash, natunton at naaresto si Siscar sa isang operasyon.
Ang GCash ay nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad, gaya ng PNP, CIDG, CICC, at NBI upang protektahan ang kanilang mahigit 79 milyong subscribers mula sa mga kriminal, scammers, at fraudsters.
Ang pagtutulungan ay nagresulta sa pagkakaaresto ng mga pinaghihinalaang scammers at sa pagharang sa mga kaduda-dudang accounts.
Bukod dito, pinalawak ang adbokasiyang ito sa pagpapakalat ng kamalayan at kaalaman sa cybercrime activities, na pinaniniwalaan ng GCash na mahalaga sa pangkalahatang misyon na tiyakin ang seguridad ng mga Pilipino na gumagamit ng digital services.
Paalala pa ng Globe, ang GCash ay hindi nagpapadala ng private messages para humingi ng personal information, lalo na ang MPIN at One-Time Pin (OTP).