Nauwi sa tensyon ang nakatakdang demolisyon sa mga kabahayan sa Barangay Tandang Sora sa Quezon City.
Kahapon ay lumiham ang Task Force COPRISS (Control and Prevention of Illegal Structures and Squatting) ng Quezon City Hall kay Tandang Sora Barangay Chairman Hector Geronimo para ipabatid ang gagawing demolisyon ngayong araw, June 16.
Nakasaad sa liham na ipatutupad na ang demolisyon sa mga illegal structures na nakatayo sa lupang pag-aari ng isang Reynaldo Guiyab na tinatayang nasa 1,668 square meters sa Apollo Street sa nasabing barangay.
Ang nasabing liham ay nilagdaan ni Task Force COPRISS acting head Ana Clores.
Pero ayon sa mga residente, nabigla sila sa pagdating ng demolition team at mga tauhan ng Crowd Dispersal Management ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa mga residente, hindi man lamang sila naabisuhan at wala man lamang inialok na relokasyon sa kanila.
Payag naman sana ang mga residente na umalis sa lugar basta’t mayroong maayos na relokasyon na ibibigay sa kanila.
Nang magsimula ang mga tauhan ng demolition team na pasukin ang compound, doon na umulan ng mga bato.
Ang mga batong inihahagis ng mga residente sa demolition team, ay ibinabato sa kanila pabalik.
Inawat naman ng mga pulis ang mga tauhan ng demolition team na nagbabalik ng bato.
Nakareber naman ng sumpak mula sa residente ang mga tauhan ng PNP-SWAT.
Nang humupa ang tensyon, dalawang pulis ang nasugatan matapos tamaan ng bato, at isang residente naman ag nasugatan sa paa, matapos mabubog.