Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sina Abdulraof Macacua bilang officer-in-charge ng Maguindanao del Norte at Bai Mariam Mangudadatu bilang officer-in-charge ng Maguindanao del Sur.
Nanumpa na sa tungkulin si Macacau kaninang umaga, Abril 5.
Itinalaga ng Pangulo si Macacua na OIC ng Maguindanao del Norte habang inoorganisa pa ang bagong tatag na probinsya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Bilang OIC, inaatasan ng Pangulo si Macacua na panatilihin ang peace at stability sa rehiyon.
Bukod kina Macacua at Mangudadatu, itinalaga rin ng Pangulo sina Bai Fatima Ainee Limbona Sinsuat bilang OIC ng Office of the Vice-Governor ng Maguindanao del Norte at Datu Nathaniel Sangacala Midtimbang bilang OIC ng Office of the Vice Governor ng Manguindanao del Sur.
Una nang nanawagan ang local chief executives sa Maguindanao del Norte kay Pangulong Marcos na magtalaga ng mga opisyal para matuldukan ang krisis sa kalituhan sa mga empleyado at mga residente.
Mayo 2021 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act Number 11550 na naghahati sa Maguindanao sa dalawang probinsya.
Sakop ng Maguindanao del Norte ang mga munisipyo ng Barira, Buldon, Datu Blah Sinsuat, Datu Odin Sinsuat, Kabuntalan, Matanog, Northern Kabuntalan, Parang, North Upi, Sultan Kudarat, Sultan Mastura, at Talitay. Ang Datu Odin Sinsuat ang magsisilbing seat of government ng Maguindanao del Norte.
Saklaw naman ng Maguindao del Sur ang mga munisipalidad ng Ampatuan, Buluan, Datu Abdulla Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Montawal, Datu Paglas, Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Gen. Salipada K. Pendatun, Guindulungan, Mamasapano, Mangudadatu, Pagalungan, Paglat, Pandag, Rajah Buayan, Sharif Aguak, Sharif Saydona Mustafa, Sultan sa Barongis, Talayan, at South Upi. Ang Buluan ang magsisilbing seat of government ng Maguindanao del Sur.
Parehong magkakaroon ng corporate powers at general powers ang dalawang probinsya at magkakaron ng common seal.
Batay sa 2015 census, nasa 1,173,933 ang populasyon ng Maguindanao.