Humihirit ang Philippine Veterans Affairs Office sa Kongreso na aksyunan ang panukalang batas na dagdagan ang natatanggap na pensyon ng mga war veterans sa bansa.
Ayon kay PVAO Undersecretary Reynaldo Mapagu, mula sa kasalukuyang P1,700 na pensyon, nais ng kanilang hanay na itaas sa P4,500.
Sa ngayon aniya, mayroong old age pension ang lahat ng beterano na nag-eedad ng 65 anyos.
Kapag sumapit aniya sa 70 anyos, mayroong dagdag na Total Administrative Disability.
Kapag naging total disability aniya ang tinamo ng isang beterano, dapat na itaas na ito sa P10,000.
“Pero mayroon tayong mga nakasalang ngayon sa Kongreso na itaas ito, hopefully this will come to pass so maging batas ito – at least eh itataas nang konti. Dahil matagal na kasi itong batas na ito, may 25 years na ito so sana nga maayos natin ito, maitaas naman. So iyong P1,700 baka puwedeng maging sa 1% to 30% rating, maging P4,500 saka doon sa 91 to 100% rating, maging P10,000,” pahayag ni Mapagu.
Bukod dito, sinabi ni Mapagu na mayroong health care benefit na alok ang gobyerno sa mga beterano.
Mayroon din aniyang Veterans Memorial Medical Center na laan sa mga beterano.
Bukod ditto, may tinatayong veteran’s wards sa 24 na lugar sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Sinabi pa ni Mapagu na mayroong veterans’ medical and health care program, kasama na ang libreng hospitalization at reimbursement sa hospitalization at libreng gamot.
Layunin kasi aniya ng gobyerno na tiyakin na walang babayaran ang mga beterano sa mga gamot.
Mayroon din aniyang libreng scholarship na alok ang gobyerno sa mga anak ng mga beterano.
Isinisulong din aniya ng PVAO na bigyan ng non-pension benefits ang mga beterano gaya ng pagbibigay ng discounrts sa mga bilihin at maging exmpted sa pagbabayad ng buwis ang mga totally disabled.
Sabi ni Mapagu, nais din ng kanilang hanay na mabigyan ng heroes lounge ang mga beterano sa mga pantalan, airport at iba pa.
Sa Abril 9 gugunitain ang araw ng Kagitingan.
“Ang tema “Kagitingan ng mga Beterano, Pundasyon ng Nagkakaisang Pilipino.” So actually, itong temang ito ay kina-capture natin iyong kanilang kabayanihan, iyong kanilang kagitingan at saka iyong kanilang pagkakaisa dahil ito iyong nating pundasyon ng ating republika. So iyong kanilang sakripisyo ngayon, sana mamulat tayo na we will embrace this, iyong kanilang unity, solidarity to fight an enemy so that we can build a better Philippines. So parang ganoon, iyon ‘yung ating tema ngayon sa taon na ito,” pahayag ni Mapagu.
Pero dahil papatak sa araw ng Linggo ang araw ng Kagitingan, inilipat ito ni Pangulong Ferdinand Marcos sa Abril 10 kung saan dadalo ang punong ehekutibo sa mga aktibidad sa Bataan.