Chiz may mga pangmba sa oil production cut ng OPEC+
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Pinakikilos ni Senator Francis Escudero ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na agapan ang posibleng epekto sa Pilipinas ng plano ng Saudi Arabia at OPEC + na bawasan ang produksyon ng langis ng 1.16 barilies kada araw na ipapatupad mula Mayo hanggang sa katapusan ng taon.
Nagdesisyon ang mga malalaking global oil producers na tapyasan ang kanilang produksyon ng langis na itinuturing nilang ‘precautionary measure’ para mapatatag ang merkado.
Hiwalay pa ang pinakahuling desisyon na ito sa naunang napagkasunduan noong nakaraang Oktubre ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) at ng 10 kaalyado sa pangunguna ng Russia na bawasan ng dalawang milyong bariles kada ang kanilng produksyon ng langis.
Nababahala si Escudero na tiyak na makakaapekto ang hakbang na ito ng OPEC + sa pagbangon ng bansa mula sa naging epekto ng pandemya.
Posible aniyang tumaas pa lalo ang inflation sa bansa na magiging daan sa higit pang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Dahil dito, pinakikilos ni Escudero ang Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Energy, Department of Agriculture, Department of Trade and Industry at Department of Labor and Employment para talakayin ang isyu at makabuo ng mga plano para maiwasan o maibsan ang epekto ng pagbabawas sa oil production ng OPEC+.