Binawi ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) ang isa nitong pahayag na may kaugnayan sa nagaganap ngayong agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Sa isang statement na unang ipinalabas ng Malaysia Foreign Ministry, sinasabi dito na nagbabala ang ASEAN sa posibilidad nag magkaroon ng problema sa isyu ng kapayapaan sa rehiyon dahil sa mga ginagawang pagtatayo ng mga isla sa South China Sea.
Sa naturang statement, hindi binabanggit na ang bansang China ang pasimuno ng tensyon sa rehiyon.
Gayunman, makalipas lamang ang ilang oras, binawi ng ASEAN Secretariat ang naturang statement, ayon sa tagapagsalita ng Malaysian foreign ministry.
Paliwanag nito kinailangang iatras ang paglalabas ng naturang pahayag dahil may mahahalagang ‘amendments’ o pagbabago dito.
Batay sa text release ng Malaysia, isa lamang ‘media guideline’ ang naunang statement at hindi ang pinal na napagksunduang pahayag ng ASEAN.
Dahil sa biglaang pagbawi ng naunang pahayag, ilang mga eksperto nagsabing halimbawa lamang ito ng patuloy na kabiguan ng ASEAN na kastiguhin ang China sa ginagawa nitong pag-angkin ng teritoryo sa South China Sea.