Info campaign para sa mga benepisyo para sa cancer patients, dapat paigtingin—Vargas
By: Chona Yu
- 2 years ago
Nanawagan ang dating three-term Congressman at kasalukuyang Councilor Alfred Vargas ng mas malawak at maigting na kampanya para ipaalam ang mga programa at serbisyo mula sa National Integrated Cancer Control Act (NICCA).
Ayon kay Vargas, ito ay bilang tugon sa naiulat na mababang preventive screening at mataas ng treatment cost ng cancer sa bansa.
“Hindi na dapat death sentence ang cancer. Bilang pangunahing may-akda ng National Integrated Cancer Control Act, nais nating bigyan ng tulong at ginhawa ang mga may sakit na kanser at ang kanilang mga mahal sa buhay,” sabi ni Vargas.
“Ang batas na ito ay komprehensibo at may mga kaakibat na programang nailatag na, hindi lamang para sa pagpapagamot, ngunit pati na rin sa screening o prevention at sa palliative care at rehabilitation,” dagdag nya.
Ayon kay Vargas, maaaring lapitan ng mga cancer patient at pamilya nila ang Cancer and Supportive-Palliative Medicines Access Program (CSPMAP) at Cancer Assistance Fund (CAF) sa 31 na hospital sa buong bansa na may kakayanan sa cancer management.
Sinabi ni Vargas na sa ilalim ng batas, maaaring makakuha ang mga eligible cancer patient ng libreng gamot sa ilalim ng CSPMAP. Mayroong 61 na cancer medication na saklaw ng programang ito, at saklaw naman ng CAF ang diagnostics, therapeutic procedures, at ibang cancer medicines.
Binigyang-diin din ni Vargas na may mga programa ang Department of Health (DOH) at packages ang PhilHealth na maaaring gamitin ng mga at-risk sa cancer, tulad ng vaccination sa human papillomavirus (HPV) na karaniwang sanhi ng cervical cancer. Mayroon din ang DOH na mga screening service tulad ng clinical breast exam at hepatitis B screening.
Naghain din si Vargas ng panukalang city resolution na humihiling sa DOH na maglunsad ng matinding information campaign sa Quezon City tungkol sa mga benepisyo at serbisyong laan sa mga cancer patient.
Ayon kay Vargas, na dating Chairperson ng House Committee on Social Services, marami pa rin ang hindi nakakaalam sa mga benepisyo at serbisyong nakasaad sa NICCA.
“Ipinaglaban natin ang NICCA dahil alam natin ang paghihirap na dulot ng cancer sa pamilya. Nawalay kami sa aming ina dahil sa sakit na ito at mahabang kalbaryo ang naranasan naming magkakapatid. Napakasakit. Magastos,” sabi ni Vargas.
“Nais nating may karamay ang bawat Pilipino. May masasandalan ang bawat cancer warrior sa NICCA,” dagdag nya.