Cash gift bago umabot sa 100-anyos inihirit ni Sen. Imee Marcos
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Inilatag na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas ukol sa maagang pagbibigay ng gobyerno ng cash gift na 100,000 pesos para sa mga Filipino centenarian.
Sa kanyang sponsorship speech para sa Senate Bill 2028, sinabi ni Sen. Imee Marcos na kapag naisabatas ay matatanggap ng mga senior citizen ang mga bahagi ng 100,000 pesos cash gift pagtungtong nila ng 80, 90, at 100 anyos.
Ipinapanukala rin ng namumuno sa Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development ang pagsisimula ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng Elderly Management System para sa maayos na pagkalap ng mga impormasyon tungkol sa mga senior citizen na 80-anyos pataas.
Gagawin aniya ito sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Technology (DICT), National Commission on Senior Citizens, at mga local government units.
Binigyang-diin ng senadora na kailangan nang i-advance ang pamamahagi ng cash gift para sa mga centenarian dahil sa mahal na presyo ng mga pangunahing bilihin at maintenance na gamot para sa karaniwang sakit ng mga matatanda, gaya ng mga sakit sa puso, diabetes, at kidney failure.
“Meron tayong kasabihan: Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? Dapat mapakinabangan ng ating mga lolo’t lola ang kanilang nararapat na benepisyo habang sila’y buhay pa. Sa awa ng Diyos, mabibigyan pa tayong lahat ng mahabang buhay. Sana’y hindi natin maramdaman ang pagka-balewala sa ating pagtanda,” dagdag pa ni Marcos.