Pagsipa sa serbisyo sa ‘shabu cop’ inaprubahan ni PNP Chief Azurin

PNP PHOTO

Inanunsiyo ang pag-apruba ni PNP Chief Rodolfo Azurin, Jr., sa rekomendasyon na maalis na sa serbisyo ang pulis na nakumpiskahan ng halos isang tonelada ng shabu sa isang anti-drug operation sa Maynila noong Oktubre, ng nakaraang taon.

Ibinahagi ni PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo na nagmula ang rekomendasyon na masibak si Sgt. Rodolfo Mayo Jr., sa serbisyo, sa  Internal Affairs Service (IAS) na may petsang Marso 6.

Ayon pa kay Fajardo, nakakulong sa kasalukuyan si Mayo sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Taguig City habang hinihintay ang paglilitis sa korte ng mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.

Unang kinasahan ng buy-bust operation ng kanyang mga kabaro sa PNP- Drug Enforcement Group si Mayo at nakuha sa kanya ang dalawang kilo ng shabu.

Kasunod nito, sinalakay ang kanyang negosyo sa Sta. Cruz, Maynila kung saan naman nadiskubre ang higit 900 kilo ng shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.

Nabatid na hindi na rin nagsumite ng kanyang counter-affidavit si Mayo sa mga kasong administratibo na isinampa laban sa kanya.

Read more...