Nadiskubre ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na may taglay ng “low level contaminants” ang “fish samples” mula sa mga apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Base sa inilabas na pahayag ng BFAR, nagtataglay na ng polycyclic aromatic hydrocarbons (PAH), na low-level contaminants, ang mga fish samples.
Ang PAH ay humahalo na sa laman ng isda at nakakasama sa kalusugan ng tao, ayon pa sa kawanihan.
Nilinaw naman agad ng BFAR na hindi pa maituturing na “conclusive” ang resulta sa usapin naman ng kaligtasan sa pagkain.
“Further sampling and analyses are being conducted to establish time-series results on the effect of the oil spill on fish concerning food safety, taking into account the magnitude of the oil spill which has reached neighboring areas like Caluya, Antique and some municipalities of Palawan,”dagdag pa ng ahensiya.
Nangako naman ang BFAR na regular na magsasagawa ng pagsusuri sa tubig at isda sa mga apektadong lugar para na rin mabatid ang lawak ng pinsala na idinulot ng oil spill sa sektor ng pangingisda.
Inirekomenda rin ng kawanihan ang pansamantalang pagsuspindi sa pangingisda sa mga karagatan na sakop ng mga bayan ng Naujan, Pola, Pinamalayan, Bansud, Gloria, Roxas, Mansalay, Bongabong, at Bulalacao para na rin sa kaligtasan ng publiko.