712 na special permit sa mga PUV para sa Semana Santa, pino-proseso na ng LTFRB

 

Photo credit: PITX

Nasa 712 units ng public utility vehicles na ang nag-apply ng special permits sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ito ay para makabiyahe sa ibang ruta ngayong Semana Santa.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni LTFRB head Technical Division Joel Bolano na magiging epektibo ang special permits sa Marso 31 hanggang Abril 17.

Wala naman aniyang limit sa pag-apply ng special permit.

Simula sa susunod na linggo, uumpisahan na ng LTFRB ang pag-iikot sa mga terminal para masiguro na maayos ang mga pasalidad at magiging komportable ang biyahe ng mga pasahero.

Partikular na iinspeksyunin ng LTFRB ang Araneta Bus Terminal sa Cubao Quezon City at ang Paranaque Integrated Terminal Exchange.

Payo ni Bolano sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan, tiyakin na maayos ang kondisyon ng kawatan, iwasang magpuyat, magpahinga at kumain ng masustansyang pagkain para makaiwas sa disgrasya.

Pinayuhan din ni Bolano ang mga pasahero na maagang magpa-reserba ng ticket para makaiwas sa siksikan sa terminal.

Read more...