Sa inaasahan na pagtatapos ng northeast monsoon o amihan ngayon linggo ay ang pagsisimula naman ng panahon ng tag-init.
Ayon sa Pagasa, may mga indikasyon na ng pagsisimula ng panahon ng tag-init dahil sa patuloy na paghina ng epekto ng amihan at nararamdaman na ang mainit na hangin mula sa Pacific Ocean.
Mararamdaman na lamang ang epekto ng amihan sa dulong Hilagang Luzon at magdudulot ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Samantala, ang ibang bahagi ng bansa ay maaring makaranas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ambon.
Wala pang binabantayan na masamang panahon ang Pagasa ngayon linggo.
Ang panahon ng tag-init sa bansa ay kadalasan na nagsisimula ng Marso at tumatagal hanggang Mayo.