Nag-alay ng kandila at dasal kagabi ang mga residente ng Taytay, Rizal sa lugar nang pinangyarihan ng aksidente kahapon ng umaga.
Sa naturang trahedya, nasawi ang isang hindi pa nakikilalang ginang samantalang nasa 29 katao pa ang sugatan makaraang araruhin ng isang 10-wheeler truck ang hilera ng mga sasakyan at tindahan sa Taytay Rizal, Martes.
Sa imbestigasyon ng Taytay Police, nawalan umano ng kontrol ang truck na may plakang RHT-994 na may kargang buhangin dakong alas-11:00 ng umaga at sinuyod ang hilera ng mga tindahan at sasakyan sa tapat ng New Taytay Public Market.
Hindi bababa sa 20 tricycle at mga kotse ang inararo ng naturang truck na minamaneho ni Tomas Baldonade bukod pa sa mga tinadahan at tiangge sa naturang pamilihan.
Agad namang itinakbo sa pamagutan ang mga biktima kung saan tatlo sa mga ito ang kritikal ang kondisyon.
Agad namang sumuko sa mga otoridad ang driver ng truck at iginiit na mabagal lamang ang kanyang takbo nang maganap ang aksidente na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide and multiple serious physical injuries.