Vargas, pinuri ang cold storage projects ni PBBM

Suportado ng dating three-term Congressman at kasalukuyang Councilor Alfred Vargas ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magtayo ng mas maraming cold storage facility sa bansa para maiwasan ang pagkabulok ng mga produktong pang-agrikultura. Ayon kay Vargas, kapuri-puri ang ginagawang prayoridad ng Pangulo sa mga imprastrakturang ito. “Ang cold storage facilities ay isang long-overdue na proyekto para sa ating  mga magsasaka at mangingisda. Ngunit malaking ginhawa ang ibibigay din nito sa bawat Pilipino dahil malaki ang potensyal na maging mas mura ang presyo ng mga bilihin. Kaya pwede ring ituring ito na anti-poverty initiative,” sabi ni Vargas. “Welcome na welcome ang aksyon ng mahal na Pangulo tungkol dito,” dagdag niya. Inihayag kamakailan ng Pangulo ang pagtatayo ng 11 pang malalaking cold storage facilities sa bansa na magiging operational sa katapusan ng taon. Ang mga ito ay bukod pa sa mga ginagawang facilities sa mga port ng General Santos City at Cagayan de Oro. “Sa pamamagitan ng cold storage facilities, masisiguro nating sariwa ang mga produktong nakakarating sa ating mga kusina at hapag-kainan. Matutulungan din ang ating mga maliliit na negosyante dahil magpapalawig ang shelf life ng kanilang mga produkto,” saad ni Vargas. Base sa mga datos ng Department of Agriculture, tumataas ang presyo ng mga panunahing bilihin sa bawat dagdag na “layer of trader” na dulot na rin ng kawalan ng cold chain logistics and distribution hubs. “Tama ang ating Pangulong BBM. Kritikal ang cold storage facilities sa paninigurong food secure ang bawat Pilipino, lalong-lalo na at lumalaki pa ang populasyon ng ating bansa. On an international level, nagpapalakas pa nito ang trade capacity ng ating export sector. Malaki ang pasasalamat natin sa ating Pangulo sa mga benepisyong ito,” dagdag ni Vargas.

Read more...