Sakop ng economic sabotage inirekomenda ni Villar na palawigin
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Inilatag na ni Senator Cynthia Villar sa plenaryo ng Senado ang final committee report sa isinagawang imbestigasyon sa mataas na presyo ng sibuyas sa merkado.
Pangunahing inirekomenda ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform ang pag-amyenda sa RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Ito ay upang maisama sa mga krimeng may kinalaman sa economic sabotage ang profiteering, hoarding at smuggling.
Isinusulong din ang pagbuo ng “Anti-Agricultural Smuggling Task Force;” at special court na tututok sa pagdinig sa mga kaso ng economic sabotage.
Sinabi ni Villar na panahon nang magkaroon ng Anti-Agricultural Smuggling Task Force at Anti-Agricultural Smuggling Court upang magkaroon ng watchdog sa agricultural sector.
Sa pamamagitan anya nito ay matitiyak na mapapanagot ang mga nagmamanipila ng presyo na ang agsasakripisyo ay mga magsasaka at consumers.
Tiniyak ng senador na buburahin na ang mga panahong umaasa ang lahat sa awa ng mga kartel.