Hinikayat ni Senator Francis Tolentino ang Department of Health (DOH) na pasiglahin ang information and education campaign ukol sa COVID 19 vaccination program.
Naniniwala si Tolentino na isa ito sa makakapagpabawas ng mga pangamba at pagdududa sa bakuna laban sa nakakamatay na sakit.
Ito ay para na rin maiwasan ang pagkasayang ng bilyong-bilyong pisong halaga ng mga bakuna.
Sinabi ito ni Tolentino bago niya tapusin ang pagdinig ng pinamumunuan niyang Blue Ribbon Committee ukol sa pagbili ng gobyerno ng mga bakuna.
“Parang wala na nagre-report? Kasi dati everyday, naririnig natin,’ sabi ni Tolentino.
Nabanggit niya na ang mababang vaccination rates ay maaring dahil sa hindi epektibong kampaniya para makumbinsi ang mamamayan na magpaturok ng kanilang booster shots.”
“Ayaw na nila kasi walang sense of urgency na eh. Hindi na kayo nakikita,” dagdag pa ng senador.
Nabatid na sa ngayon, 46,000 doses na lamang ang naituturok kada linggo sa kabila ng pagkakaroon ng 50.74 million doses na mag-eexpire sa mga susunod na buwan.