Gastos sa Cha-cha matatapyasan kung isasabay sa barangay elections, plebisito sa 2025 midterm elections
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Makakatipid ang gobyerno kung ang isinusulong na Constitutional Convention o Con-Con ay isasabay sa pagdaraos ng papalapit na barangay at Sangguniang Kabataang election sa darating na Oktubre.
Maari naman isabay ang pagratipika sa Charter change o Cha-cha ay isasabay sa 2025 midterm election.
Inirekomenda ito ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments sa Baguio City para sa pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Base sa pagtataya ni National Economic Development Authority (NEDA) Director of Governance Staff Atty. Reverie Sapaen, sakaling ang ConCon ay isasabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at sa 2025 midterm , maaring ang kailanganin na pondo ay P837 million.
Hindi hamak na mababa ang gastos na ito kung ikukumpara sa P28.5 billion kapag ito ay hiwalay na idinaos sa barangay election at sa P15 billion kapag ang paghalal sa mga delegado ay isasabay sa barangay at SK elections.
Samantala, kung Constituent Assembly o ConAss naman ang magiging paraan sa pag-amyenda sa Saligang Batas, paliwanag ni Sapaen na kapag ang plebesito ay hiwalay na isinagawa sa barangay elections ay gagastos ang pamahalaan ng P13.9 billion at kapag isinabay naman sa BSKE ang plebesito ay aabot na lamang sa P46 million ang pondong gugugulin.