eCongress inilunsad ng Senado, Kamara
By: Jan Escosio
- 2 years ago
(Senate PRIB)
Pumirma ng memorandum of agreement ang Senado at Kamara para sa pagkakaroon ng eCongress, isang integrated digital legislative management system.
Layon nito na maging ‘digital’ ang mga serbisyo ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Pinangunahan nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Majority Leader Joel Villanueva ang Senado habang sa Kamara ay sina Senior Deputy Speaker Gloria Arroyo, na kumatawan kay Speaker Martin Romualdez, at Majority Leader Jose Manuel Dalipe.
Ayon kay Zubiri, panahon na para magkaroon ng inobasyon ang Kongreso sa pagtupad sa kanilang mga mandato.
Makakatulong aniya ang e-Congress para mapabilis ang legislative process at para sa epektibong pag-apruba ng mga batas.
Mapapalakas din nito ang koordinasyon sa pagitan ng dalawang kapulungan at mas mapapaayos at mapapadali ang inter-chamber process.
Dagdag pa ni Zubiri, sa pamamagitan din ng e-Congress ay mabibigyan ang mga Pilipino ng mas accessible na platform kung saan ma-ta-track ng publiko ang trabaho ng mga mambabatas, mapaghuhusay ang transparency at maaaring makilahok ang mamamayan bilang aktibong participants ng legislative process.