Tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na walang isang drayber o operator ang mawawalan ng trabaho kapag naisulong na ang modernisasyon sa mga pampublikong sasakyan.
Sinabi niya ito matapos ang pakikipagpulong ng mga lider ng grupong Manibela at Piston kay Presidential Communications Operations Office Sec. Cheloy Garafil sa Malakanyang at magpasyang itigil na ang isang linggong tigil pasada.
Aniya habang hindi pa naipatutupad ang modernisasyon, kailangan na tiyakin na ligtas ang mga pasahero.
“Ang problema na kanilang sinasabi ay baka hindi sila mapautang para makapagbili ng bagong sasakyan kayat iyan ang tinitingnan namin ngayon na tiyakin na walang mawawalan ng trabaho dahil hindi nakapagbili ng electric vehicle pagdating ng panahon, wala pa tayo doon, pero sa ngayon ang ginagawa lang natin tiyakin lang natin na safe ang ating mga sasakyan, na hindi malagay sa alanganin ang mga pasahero, ang mga commuter,” pahayag ng Pangulo.
Nagpasya na ang Land transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawigin pa ito ng hanggang sa Disyembre 31.
Umaasa rin ang Pangulo na ang anim na buwang palugit ay sapat na ito para ayusin ang sistema ng pag-inspeksyon at pagpapalit ng mga lumang jeepney.
“I’m gald that, ako’y nagpapasalamat naman sa kanila na sa palagay ko ay naramdaman nila. They have made their point very clearly na kailangan natin tignan at pag-aralan ng mabuti. Ito ay sinabi ko na noon na balikan natin itong sistema sa pagpalit iyong sa jeepney at saka sa mga bus at saka sa ibat ibang transport areas ay kailangan natin tingnan ng mabuti na hindi tayo nagbibigay ng dagdag na pahirap para sa ating mga transport workers. Of course, napakimportante na safe ang kanilang mga sasakyan at kapag tayo nga ay papasok sa era ng electric vehicles ay dahandahanin natin,” pahayag ng Pangulo.