Kasabay ng mga paghahanda para sa papalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections, naghain ng panukala si Senator Sherwin Gatchalian para sa pagbuo ng Sangguniang Kabataan National Federation.
Sa kanyang Senate Bill No.1058, layon nito amyendahan ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 (RA 10742) upang lumikha ng Nasyonal na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan.
Paliwanag niya ang pederasyon ay bubuuin ng mga nahalal na pangulo ng Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10742, ang Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan ay binubuo ng mga convenor ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan na maaaring Pambayan o Panglungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan. Ang Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan ay binubuo ng SK chairpersons ng mga barangay sa isang munisipalidad, habang ang Panlungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan ay binubuo ng SK chairpersons ng mga barangay sa lungsod.
Nakasaad din sa panukalang batas ni Gatchalian na ang nahalal na pangulo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan sa lahat ng antas ay magsisilbing ex officio member ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
Sa kasalukuyan, ang mga pangulo ng SK federation ay nagsisilbing ex-officio members lamang ng Sangguniang Bayan, Sangguniang Panglungsod, at Sangguniang Panlalawigan.
“Isinusulong natin ang paglikha ng Nasyonal na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan upang lalo pa nating mapalakas ang pakikilahok ng ating mga kabataan sa pamamahala sa ating bansa. Kung mapapatatag natin ang ugnayan sa pagitan ng ating mga opisyal sa SK, mas mapapatatag natin ang kanilang kakayahang tugunan ang mga isyung kinakaharap ng ating mga kabataan,” ani Gatchalian.