Pulis at misis patay matapos pagsasaksakin ng umano’y IS fighter sa France

Magnanville ParisPatay ang isang pulis at kaniyang asawa matapos na pagsasaksakin ng isang lalaki na umano ay kunektado sa Islamic State sa Paris, France.

Naganap ang pag-atake sa mag-asawa sa kanilang bahay sa Magnanville.

Ayon sa mga saksi, sumisigaw ang suspek ng “Allahu akbar” o “God is Greatest” habang pinagsasasaksak nito ang pulis sa labas ng kanilang bahay bago pumasok sa loob ng tahanan at saka pinatay naman ang misis ng pulis.

Matapos ang insidente, iniulat ng IS-linked na Amaq News Agency na pinatay ng isang Islamic State fighter ang deputy chief ng police station sa Les Mureaux at ang kaniyang asawa.

Nakilala naman ang nasawing pulis na si Jean-Baptiste Salvaing, 42 anyos, at assistant police chief sa Les Mureaux.

Bagaman tinangka ng mga otoridad na makipagnegosasyon sa suspek ay bigo silang mapasuko ito.

Nang makapasok ang mga otoridad sa bahay ng mga biktima ay nakitang wala nang buhay ang misis ng pulis, habang nailigtas naman ang 3 taong gulang na anak nila.

Napatay naman ng mga otoridad ang hindi pa nakikilalang suspek.

 

Read more...