Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na gawin na lamang ‘optional’ ang panukala na planong gawing mandatory muli sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program.
Bunsod ito ng lumalawak muli na panawagan na ibasura ang panukala base sa mga pangamba na magbabalik din ang hazing sa programa.
Aniya maari naman na gawin na lamang itong opsiyonal sa mga estudyante, na nais sumailalim sa pagsasanay ng mga sundalo at sa mga nais pumasok sa AFP.
Tinawag naman ni Sen. Ronald dela Rosa na desperadong hakbang ng mga tutol sa mandatory ROTC ang pag-uugnay sa programa sa pagkamatay sa fraternity hazing ng isang estudyante ng Adamson University.
Ayon sa senador may ‘safety nets’ sa panukala para maiwasan ang hazing sa ROTC at kapag may nangyari ay may probisyon na agad itong maiimbestigahan.
“Kung gusto natin na ipagpatuloy na gawing optional ang ROTC at kapag tayo ay nilusob ng ibang bansa gaya ng China, gagawin na rin nating optional ang pagdepensa ng ating bansa at isantabi natin ang ating Constitution na nagsasabing tungkulin ng bawat Pilipino ang pagdepensa ng estado.” sabi ni dela Rosa.