Matapos makipag-usap sa director ng Federal Bureau of Investigation (FBI), sinabi ni Obama na bagaman may pagkakatulad ito sa nangyaring pag-atake sa San Bernardino, California noong nakaraang taon, kulang pa rin ang kanilang nalalaman tungkol sa insidenteng ito.
Sa ngayon, naniniwala rin ang mga imbestigador na hindi ito gawa ng Islamic State group, ngunit posibleng “partly inspired” sa nasabing teroristang grupo.
Ito’y sa kabila rin ng pagtawag ng suspek sa 911 at nag-anunsyo ng kaniyang pag-suporta sa Islamic State of Iraq and the Levant (ISIL).
Ayon pa kay Obama, inaalam pa ng mga imbestigador ang mga posibleng nagtulak sa suspek na gawin ito, tulad ng mga bagay na nakuha o nalaman niya sa internet.
Dagdag pa niya, malaki ang posibilidad na may kinalaman ang pagiging gay nightclub ng pinangyarihan ng karahasan sa motibasyon ng suspek. Matatandaang 50 ang nasawi sa pamamaril, kabilang na ang 29-anyos na shooter na si Omar Mateen.