Sorsogon, nakahanda sa posibleng lahar flow mula sa Mt. Bulusan

 

Naghahanda na ang lalawigan ng Sorsogon sa posibilidad ng pagbaba ng lahar mula sa Mt. Bulusan na nagpakita ng aktibidad nitong nakalipas na mga araw.

Nitong mga nakalipas na araw, nagbuga ng makapal na abo ang naturang bundok na sinundan ng malakas na pag-ulan na posibleng magresulta sa lahar flow.

Ayon kay Raden Dimaano, pinuno ng Provincial Disaster, Risk Reduction ang Management Office ng Sorsogon, 12 barangay sa mga bayan ng Juban, Casiguran at Irosin sa lalawigan ang posibleng maapektuhan ng lahar sakaling magsimula itong dumausdos pababa ng gilid ng naturang bulkan.

Ang lahar ay maaring dumaan sa Cadac-an river na tumatagos sa naturang mga bayan.

Dahil dito, agad na tinukoy ng PDRRMO ang mga lugar na puwedeng magsilbing evacuation areas sakaling kailanganing lumikas ng mga maapektuhang residente.

Nakapuwesto na rin aniya ang mga early warning protocol sa mga barangay na malapit sa ilog.

Nananatiling nasa alert level 1 ang bundok Bulusan.

Noong nakaraang Biyernes, muling nagubga ng abo ang bulkan na nakaapekto sa 19 na barangay sa paligid nito.

Ayon naman sa Phivolcs, maliit lamang ang tsansa ng lahar flow na maaring magresulta mula sa pinakahuling pagbuga ng abo ng Bulusan sa ngayon.

Read more...