Naniniwala si Senator Francis Escudero na minadali ang pagbalangkas sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) kayat pinapalagan ito ng mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon.
Kayat hiling ni Escudero ay repasuhin muli ang programa kasunod na rin ng naka-ambang hindi pagpasada ng libo-libong drivers at operators sa buong bansa.
Partikular na binanggit ng senador na busisiin ay ang phase-out policy, time table, financial package, at ang subsidiya at ayuda na maaring maibigay sa mga operators at drivers.
Binanggit din nito ang kawalan ng ‘safety nets’ ng programa na magsisilbing proteksyon sa mga lubos na maaapektuhan.
Ukol naman sa tigil-pasada, naniniwala si Escudero na lubos na dehado dito ang mga driver na arawan ang kita.
Sa darating na Lunes balak umpisahan ng libo-libong drivers ang hindi pagpasada para iparamdam ang kanilang pagtutol sa ilang nilalaman ng PUVMP.