Misinformation drive sa senior citizens pinalagan ng partylist solon
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Naglabas ng kanyang pahayag si Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes dahil sa pagkalat ng mga maling impormasyon ukol sa mga nakakatandang populasyon sa bansa.
Nilinaw ni Ordanes na nananatiling nasa ilalim ng mga lokal na pamahalaan ang Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) at walang batas na ito ay nasa ilalim na ng
National Commission on Senior Citizens.
“The OSCA is not a national agency. The OSCA is an LGU agency. I will also not support any legislation that places the OSCAs under any national agency,” diin ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizen.
Sinabi pa nito na ang batas para sa kapakanan at benepisyo ng senior citizens ay ang RA 7432 na naamyendahan na ng RA 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 at RA 11916, na nagdoble naman sa P1,000 sa buwanang pensyon ng mahihirap na senior citizens.
Paglilinaw pa ng mambabatas, ang makakatanggap ng P1,o00 buwanang pensyon ay ang mga tumatanggap na ng P500 buwanang pensyon.
Aniya, ang pagbibigay ng karagdagang pensyon ay mangyayari kapag ito ay ganap nang napondohan.
Nanawagan si Ordanes na itigil na ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon at panglilito sa senior citizens.