Nasa 30 Chinese maritime militia at isang China Coast Guard vessel ang nasa exclusive economic zone ng Pilipinas malapit sa Sabina at Ayungin Shoal.
Ayon kay Philippine Coast Guard adviser for maritime security Commodore Jay Tarriela, swarming ang ginagawa ng China sa EEZ ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“All in all, sir, we have 30 Chinese maritime militia and one China Coast Guard vessel,” pahayag ni Tarriela.
“Technically, ito iyong tinatawag nating swarming. Kung maalala po ninyo iyong mga photos na inilabas ng Philippine Coast Guard, mayroon pong mga barko na magkakadikit lang sila ano, anchored together and then – although dini-deny naman ng China na ito ay maritime militia, sinasabing they are just ordinary Chinese fishing vessels – pero makikita natin na they are just loitering there, wala naman sila ginagawa, hindi naman sila engaged in fishing,” pahayag ni Tarriela.
Nakita aniya ng PCG ang pagdagsa ng mga barko ng China sa lugar nang magsagawa ang kanilang hanay ng maritime domain awareness flight noong Pebrero 21.
Sinabi pa ni Tarriela na noong palapit na ang flight ng PCG sa Sabina Shoal, nag-radio challenge ang China Coast guard 5304.
Pero agad aniyang sinagot ng PCG ang China at sinabing nagsasagawa ang kanilang hanay ng routine MDA flight. Pinaalis din ng PCG ang China sa EEZ.
Matatandaan na noong Pebrero 6, tinutukan ng Chinese Coast Guard ng military grade laser ang PCG sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Agad namang naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs laban sa China.
“Iyan iyong dahilan kung bakit tayo nagpalipad ng MDA flight ‘no. Because despite of the diplomatic protest that we filed barely two weeks ago, eh nandito pa rin ang China Coast Guard at nandoon pa rin ang kanilang mga Chinese maritime militia,” pahayag ni Tarriela.
Ayon kay Tarriela, umalis ang China Coast Guard 5205 sa Ayungin Shoal noong Pebrero 8 pero sa kaparehong araw pumalit naman ang China Coast Guard 5304.