Kinilala ni Senator Grace Poe na may pangangailangan na para magkaroon ng mas mahigpit na self-regulation sa streaming platforms.
Sa pagdinig ng Committee on Public Information and Mass Media, na pinamumunuan ni Sen. Robinhood Padilla, nabanggit ni Poe ang posibilidad na magkaroon ng regulasyon sa mga nilalaman ng online sites at streaming services.
Ginawa ang pagdinig para panukalang amyendahan at pagtibayin pa ang mandato ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Katuwiran ni Poe dapat ay matiyak na ang mga nilalaman ng online sites ay angkop sa edad, lalo na sa mga menor-de-edad.
Binanggit din niya ang suhestiyon na dapat ay obligahin ang streaming services na kumuha ng legislative franchise bago sila makapag-operate sa bansa tulad ng sa cable at broadcast companies.
Nagpahayag naman ng kanyang suporta si Poe sa panukalang pagpapalakas sa MTRCB, na minsan din niyang pinamunuan.
“We want to make sure that MTRCB keeps up with the constantly-changing media industry,” ani Poe at aniya para na rin matulungan ang local entertainment industry.