Dapat maghanda, ayon kay Senator Risa Hontiveros, ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na nasasangkot sa pinaniniwalaang ilegal na importasyon ng tone-toneladang asukal.
Tinawag pa ni Hontiveros ang importasyon na ‘government-sponsored smuggling.
“Sa pag-amin kahapon ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban na sila ang namili at nag-utos sa tatlong kompanya na mag-import, sana ay handa silang humarap sa mga seryosong kasong kriminal at administratibo,” pahayag ng senadora.
Unang kinuwestiyon ni Hontiveros ang pagpasok sa bansa mula sa Thailand kahit hindi pa naipapalabas ang Sugar Order No. 6.
Paliwanag niya kapag may pumasok sa bansa na asukal na hindi saklaw ng kautusan mula sa Sugar Regulatory Administration, maituturing aniya ito na smuggling.
Kahapon inamin ni Agriculture Usec. Domingo Panganiban na ipinasok ang bansa ng wala pang sugar order.
Paliwanag niya, inaprubahan niya ang importasyon sa pag-aakalang sapat na ang memorandum ni Executive Secretary Lucas Bersamin.