Papalo sa P1 trilyong investment approvals target ang makukuha ni Pangulong Marcos Jr. ngayong taon.
Bunga ito ng ginagawang “aggressive but strategic” promotion initiatives ni Pangulong Marcos sa ibang bansa. Ayon kay Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual, nagbubunga na ang mga foreign trips ng Punong Ehekutibo. Sa pagtaya ng DTI-Bureau of Investments (DTI-BOI), maaring malagpasan pa ang P1 trilyong investment approvals target. Paliwanag ni Pascual, nakuha na kasi ng pamahalaan ang halos kalahati sa full-year target para sa investment approvals sa loob lamang ng anim na linggo sa pagpasok ng taong kasalukuyan. Nabatid na ang naaptubahang total investment projects ay umabot na sa P414.3 bilyon base sa datos ng BOI. Mas mataas ito ng 142.9 percent kumpara noong nakaraang taon na pumalo lamang sa P170.5 bilyon. Ayon pa kay Pascual, may potential investment leads pa na aabot sa P344 bilyon. “And more likely, than ever, we may have 80 to 90 percent of the target even before the middle of the year,” pahayag ni Pascual. Sabi ni Pascual, ang pagtaas ng investment ay bunga ng biyahe ng Pangulo sa Southeast Asia, United States, Belgium, China at Japan.MOST READ
LATEST STORIES