RCEP aprubado na sa Senado sa boto na 20-1-1

OSPJMZ PHOTO

Lumipas muna ang dalawang taon bago napabilang ang Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Makalipas ang ilang oras na diskusyon, niratipikahan na ng Senado ang pagpasok ng Pilipinas sa ‘regional trade agreement’ sa boto na 20-1-1.

Pinirmahan ni dating Pangulong Duterte ang RCEP noong 2021, ngunit kinailangan ng pagsang-ayon ng 16 senador upang ito ay maipatupad.

Tulad ng kanyang anunsiyo, ‘No’ ang naging boto ni Sen. Risa Hontiveros sa katuwiran na nagdududa siya na hindi ito magkakaroon ng negatibong epekto sa sektor ng agrikultura.

Nag-abstain naman si Sen. Imee Marcos, na tutol din sa pagpasok ng Pilipinas sa RCEP dahil sa paniniwalang madedehado ang mga nabubuhay sa agrikultura sa bansa.

Hindi naman nakaboto si Sen. Francis Escudero at Sen. Pia Cayetano.

Sa pagdepensa naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri sinabi nito na ang kasunduan ang isa sa makakapagpabuti ng kabuhayan sa bansa.

Pagtitiyak pa niya sa mga nasa sektor ng agrikultura na mapapaunlad ng RCEP ang kanilang kabuhayan.

Dinepensahan din ng husto ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang pagratipika sa kasunduan.

Ang bansa ang huling pumasok sa kasunduan sa hanay ng mga miyembro ng ASEAN, samantalang ang partner states naman ay ang Australia, China, Japan, New Zealand at South Korea.

Read more...