Mga tamad at hindi nagta-trabahong labor attaches, sisibakin ng Duterte admin

dole-logoBilang na ang mga araw ng mga non-performing Overseas Labor Attaches.

Ito ay dahil magkakaroon na ng sibakan sa ilalim ng Duterte administration.

Kinumpirma ni incoming Labor Secretary Silvestre Bello III na sa basbas ni President-elect Rodrigo Duterte ay magkakaroon ng performance audit sa lahat ng labor attaches, sa oras na mag-umpisa siya sa trabaho sa DOLE.

Ayon kay Bello, napakaraming sumbong at reklamo ang Overseas Filipino Workers o OFWs laban sa labor attaches.

Karaniwang himutok ng mga OFW ay ang hindi pag-asikaso ng mga labor attaché sa Filipino migrant workers na lumalapit para humingi ng tulong.

Halimbawa aniya rito ang maraming kaso ng mga Pilipinong biktima ng exploitation ng mga recruitment agency.

At ang masaklap, ani Bello, tila bingi at bulag dito ang ilang labor attaches sa iba’t ibang bansa.

Kaugnay nito, sinabi ni Bello na bubuo ang DOLE ng Task Force, na tututok sa pagbuwag sa illegal recruiters.

Hihilingin din ni Bello sa mga dating kasamahan sa Kamara na repasuhin ang mga batas hinggil sa illegal recruitment, upang magkaroon ng mas mabigat na parusa.

 

 

Read more...