Isa lamang ito sa problemang kinaharap sa mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Ayon kay Dr. Romeo I. Fernandez Jr., principal ng paaralan, kahit nabawasan na ang kanilang estudyante mula sa dating 10,000 noong nakaraang taon at ngayon ay nasa 9,000 na lamang ay nananatiling ang kanilang paaralan ang may pinakamaraming bilang ng estudyante sa elementarya sa buong Maynila.
Problema pa ng eskwelahan ang kakulangan ng silid-aralan, lalo na sa mga grade 1.
Ang isang gusali kasi na ipinatayo sa panahon dating Manila Mayor Alfredo Lim ay nakitaan ng biyak at unti-unting humihiwalay ang pader.
Dahil dito hindi na muna pinagamit ang nasabing gusali, bagkus binigyan sila ng walong improvised na classroom na itatayo sa quadrangle ng eskwelahan.
Ang makeshift classroom ay ginamitan ng mga bakal na mayroong tolda na ginamit na pang-bubong at nilagyan ng makakapal na plastic para matakpan ang gilid.
At dahil nilagyan ng makeshift classrooms ang quadrangle, nawalan naman ng espasyo para sa pagdaraos ng flag raising ceremony.
Dahil dito, sa mga silid aralan na lamang gagawin ang flag raising ceremony.