(Courtesy: PCG)
Pinalakas pa ng Philippine Coast Guard ang presensya at operasyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, idineploy sa West Philippine Sea ang isa sa pinakamalaking maritime asset ng Pilipinas na BRP Teresa Magbanua sa bahagi ng Kalayaan Island Group.
Nagsimulang magbantay ang BRP Teresa Magbanua sa Kalayaan Island noon pang Enero 28.
Pinapayuhan ng crew ng BRP Magbanua ang mga Filipino na mangingisda na agad na ipagbigay alam sa kanilang hanay o sa Armed Forces of the Philippines kung mangangailangan ng tulong.
Inaasahan na kasi ng PCG na lalo pang dadami ang mga Filipinong mangingisda na magtutungo sa West Philippine Sea dahil palamit na ang summer season.
Tiniyak ng PCG na patuloy na palalakasin at paiigtingin pa ang Maritime Patrol, Search and Rescue, at Law Enforcement operations sa West Philippine Sea kasabay ng pagtiyak na babantayan ang interes at karapatan ng Pilipinas sa mga lugar na saklaw ng international law at conventions.
Una nang tinutukan ng military grade laser ng Chinese Coast Guard sa mga tauhan ng PCG sa Ayungin Shoal noong Pebrero 6.
Dahil sa ginawa ng Chinese Coast Guard, sandaling nakaranas ng pagkabulag ang mga tauhan ng PCG habang ang iba ay nakaranas ng pangangati sa balat.
Dahl sa nangyaring insidente, naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas sa China.
Ipinatawag na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Isang linggo matapos ang operasyon ng BRP Magbanua sa West Philippine Sea, naka-engkwentro ng PCG ang isang Vietnamese-flagged fishing vessel sa karagatan ng Recto Bank o Reed Bank na nagsasagawa ng long-line fishing operations.
Agad na nagsagawa ng radio challenges ang BRP Magbanua at inatasan ang foreign fishing vessel na agad na umalis sa Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ)
Nagpapakalat din ang PCG ng Rigid-hull Inflatable Boats (RHIBs) para magsagawa ng boarding at inspection.
Agad naman na umalis sa Recto Bank ang foreign fishing vessel matapos sitahin ng PCG.