Nagbubunga na ang sunod sunod na biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ibat ibang bansa.
Katunayan, sinabi ng Pangulo na nararamdaman na ang mga pinaghirapang biyahe.
Paliwanag ng Pangulo, nasa P3.48 trilyong investment ang nakuha ng Pilipinas.
Siyam na foreign trips na ang ginawa ng Pangulo mula nang maupo sa puwesto noong Hunyo 30.
May resulta na aniya ang mga Memorandum of Understanding na nilagdaan sa Indonesia at Singapore.
Sabi ng Pangulo, sisimulan na ang inagurasyon sa ilang proyekto sa susunod na linggo.
Iniulat ni Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual na nasa 116 na proyekto ang nakuha ng Pangulo sa mga biyahe.
Nagakakahalaga ito ng US$62.926 bilyon o P3.48 trilyon.
Sa pinakahuling biyahe ng Pangulo sa Japan noong nakaraang linggo, nakakuha ito ng US$13 bilyon na investment.
Sa state visit sa Indonesia noong Setyembre nakakuha ang Pangulo ng US$8.48 bilyon.
Sa state visit sa Singapore noong Setyembre, nakakuha ang Pangulo ng US$6.54 bilyon na investment.
Sa pagdalo ng Pangulo sa United Nations General Assembly sa New York, Amerika noong Setyembre, nakakuha ang Pangulo ng US$3.847 bilyon na investment
Sa pagdalo ng Pangulo sa Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Thailand noong Nobyembre, nakakuha ang Pangulo ng US$4.62 bilyon
Hindi naman tinukoy ni Pascual kung magkano ang nakuhang investment ng Pangulo sa pagdalo sa Association of Southeast Asian Nation sa Cambodia noong Nobyembre.
Sa pagdalo ng Pangulo sa Asean-European Union Summit sa Belgium noong Disyembre, nakakuha ang Pangulo ng US$2.20 bilyon na investment.
Nasa US$24.239 bilyon naman ang nakuha ng Pangulo sa state visit sa China noong Enero.
Hindi pa matukoy ni Pascual kung magkano ang nakuhang investment sa biyahe ng Pangulo sa Switzerland kung saan dumalo ito sa World Economic Forum noong Enero 2023.
Sabi ni Pascual, sa US$4.349 bilyong commitments, nasa P239 bilyon na ang nag-materialized kung saan iimplementa na ang mga proyekto sa bansa.
Nasa US$29.712 bilyong o P1.7 trilyon sa mga proyekto ay mayroon nang Memorandum of Understanding o Letters of Intent habang ang mga confirmed projects na nagkakahalaga ng US$28.863 bilyon o P1.5 trilyon ay nasa planning stage.
Sabi ng Pangulo, tigil muna ngayon ang mga foreign trips dahil kailangan na i-consolidate ang mga investment pledges.
Kailangan kasi aniyang pag-aralan muna kung ano ang mga nararapat na gawin para maging totoo ang mga pangakong negosyo.
Giit ng Pangulo, reresolbahin din muna aniya ng administrasyon ang mga balakid gaya ng mga rules and regulations na nagpapatagal sa proseso ng pagnenegosyo.
Nasi kasi ng Pangulo na maging investor-friendly ang Pilipinas para lalong maakit ang mga dayuhang mamumuhunan na maglagak ng negosyo sa bansa.
Pupulungin ng Pangulo ang ibat ibang tanggapan para mailatag ng maayos ang plano at tuluyang makausad ang Pilipinas.