Mass shooting sa Orlando na ikinasawi ng 50 katao, inako ng ISIS

AP Photo
AP Photo

Inako ng grupong Islamic State ang responsibilidad sa naganap na pag-atake sa Pulse nightclub sa Orlando, Florida na ikinasawi ng 50 katao at ikinasugat ng 53 iba pa.

Sa pahayag ng IS sa Amaq News Agency nakasaad na isang Islamic State fighter ang may kagagawan ng mass shooting.

“The armed attack that targeted a gay night club in the city of Orlando in the American state of Florida which left over 100 people dead or injured was carried out by an Islamic State fighter,” ayon sa pahayag.

Bago ito, napaulat nang tumawag muna sa 911 ang suspek na si Omar Mateen bago isinagawa ang pamamaril.

Sa nasabing 911 call, sinabi ni Mateen na siya ay sumusuporta sa ISIS.

Samantala, ilan sa mga nasawi ang pinangalanan na ng mga otoridad.

Kabilang dito si Stanley Almodovar III, 34; Edward Sotomauor Jr., 34; Luis Omar Ocasio-Capo, 20; Juan Ramon Guerrero, 22; Eric Ivan Ortiz-Rivera, 36; Peter Gonzalez-Cruz, 22; at Luis Vielma,22.

Batay sa kaniyang LinkedIn page, si Sotomayor ay national brand manager ng isang gay travel agency at naninirahan sa Sarasota, Florida.

Si Vielma naman ay nagtrabaho bilang production assistant sa Harry Potter and the Forbidden Journey ride sa Universal Orlando.

Habang si Almodovar III ay isang pharmacy technician.

Ang iba pang biktima ay patuloy na kinikilala ng mga otoridad.

 

 

Read more...