“Bakit ba kayo nagmamadali sa K to 12?” – sa ‘Wag Kang Pikon ni Jake Maderazo

Batasan Hills National HS
Kuha ni Ricky Brozas

Pasukan na, pero ako’y nababahala sa mga public high school graduates sa buong bansa na dapat sana ay first year college na ngayon pero dahil sa K to 12, sila ay Grade 11 muna.

May 1.5 milyong mag-aaral ang dapat ay nasa Grade 11, sa public at private high school. Walang problema sa mga pribadong paaralan dahil dagdag negosyo ito sa kanila.

Pero sa public schools, napakahirap ng sitwasyon lalo na’t wala naman itong senior high school noon.

Dito lang sa Metro Manila, walo lang sa 33 public high school sa Maynila ang merong Grade 11. Sa Quezon City, 13 lang sa kabuuang 46 ang merong “senior high.”

Wala ni isa sa Caloocan, Makati, Paranaque at San Juan. Sa buong NCR, 43 lamang sa kabuuang 247 public high schools ang merong Grade 11,
Sa record ng Department of Education, dito sa NCR, merong 157,238 na 4th year students sa 244 public school na kailangang maglabanan para sa bawat “slot” sa itinayong 43 public senior high.

Kung ganito kaliit ang bilang ng senior high sa Metro Manila, paano pa kaya sa mga lalawigan? Ang sabi ng gobyerno, iyong hindi makakapag-enrol sa public ay bibigyan ng voucher para makapasok sa private senior high na ang halaga ay naglalaro sa P22,500 (NCR) at P20,000 (outside NCR) bawat isa.

Sabi ng DepEd nitong Biyernes, 550,000 Grade 11 ang nag-enroll sa buong bansa ang na-encode na sa kanilang list of enrollees, at naka-enroll sa may 5,000 public and private senior high schools.

Inaasahan daw nilang umabot pa ito sa 800,000 ngayong Lunes.

Sabi naman ni DepEd Sec. Armin Luistro, lampas na sa isang milyon ang nag-enroll sa Grade 11 at hindi pa lang dawn ae-encode sa kanilang “online enrollment system.”

Pero, ang hindi i-kinukwento ng DepEd ay ang sitwasyon ng natitirang 500,000 na mga estudyante na hindi makakapasok – mga kabataan na bigla na lamang itinulak sa “alternative learning” o “vocational’ dahil sa kawalan ng espasyo sa K to 12.

Dapat sana ay tinapos muna ang konstrukyon ng bagong 66,463 classrooms na multi-story buildings para sa mga public Grade 11 at Grade 12 students.

Ngayong 2016, P61.8 bilyon ang nakalaan para sa bagong 43,000 classrooms.

Samantalang sa senior high school voucher system, ang pondo ay tumataginting na P12 bil-yon. Talagang lumala-ngoy pa nga sa salapi.
Sa totoo lang, pabor ako sa K to 12, pero hindi ngayong 2016 kundi sa 2018 sana ipatupad kung saan kumpletong kompleto na ang preparasyon. Hindi i-yong minadali ng mga kasalukuyang DepEd at Malacanang.

Ang saklap tuloy ng sitwasyon ng 50,000 public high school gra-duates at mga magulang na natataranta ngayon at hindi makakapag-enrol sa Senior high school.

Hindi ba’t mas maganda kung inilatag muna nang maayos ang programa at nakumpleto lahat ng pangangailangan at pagkatapos ay Duterte administration na ang magpatupad?

Isang tunay na “legacy” na makapagbigay ng magandang “transition.” Pero, nakakaduda talaga at garapalan ang pagmamadali nitong sina Luistro. At sa isipan ng marami, hindi malayong “pera-pera” ang posibleng isa sa motibo riyan.

May reaksyon o komento ba kayo sa kolum na ito? I-text sa 09178052374 o kaya ay mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com.

 

Read more...