25 milyong estudyante, balik-eskwela na

balik eskwela
Inquirer Photo by Jovic Yee

Balik-eskwela na ngayong araw ang mga estudyante matapos ang summer vacation.

Malaking bilang ng nagbalik eskwela ay sa mga pampublikong paaralan, dahil ngayong araw, June 13 ang itinalagang unang araw ng pasukan ng Department of Education (Deped) para sa school year 2016-2017.

May ilan ding private schools na sumabay ng class opening ngayong araw, pero ang ibang pribadong paaralan ay nagbalik-eskwela na noong June 6 habang ang iba naman ay sa June 20 pa ang unang araw ng pasukan.

Sa Batasan Hills National High School sa Quezon City, maagang nagdatingan ang mga estudyante at maaga ring inumpisahan ang flag raising ceremony.

Kuha ni Jong Manlapaz

Ang unang araw ng klase sa nasabing paaralan ay sinabayan pa ng protesta ng mga grupong tutol sa K to 12 program.

Ngayong araw din kasi pormal na magsisimula ang implementasyon ng K to 12 dahil ngayon ang unang araw ng mga senior high school students sa kanilang klase.

Kuha ni Ricky Brozas

Sa Baseco Compound Elementary School sa Tondo, Manila, maaga ring nagsipasok ang mga estudyante.

Dahil sa liit ng paaralan, hindi napagsasama-sama sa isang flag ceremony ang mga estudyante.

Dahil dito, araw-araw ang flag ceremony sa paaralan na kada araw ay dinadaluhan ng mga estudyante ng kada grade level.

Kapansin-pansin din na kumpleto at bago ang uniporme ng mga estudyante sa Baseco.

Ayon kay Graciano Budoy Jr., principal ng paaralan, provided ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang uniporme ng mga bata, maging at bag, mga gamit sa eskwela kasama na ang mga medyas at sapatos.

Read more...