Laser-tagging ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard vessel ikinagalit ng ilang senador

Kinondena ng ilang senador ang pinakahuling ‘bullying incident’ na kinasangkutan ng Chinese Coast Guard (CCG) sa isang barko ng Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea. “Sobra na ang China Coast Guard na ‘yan!” diin ni Sen. JV Ejercito. Ayon kay Ejercito dapat ay makipag-alyansa na ang Pilipinas sa US, Japan, Australia at sa mga miyembro ng ASEAN na may isyu ng pakikipag-agawan ng teritoryo sa China para matigil na ang pagiging agresibo ng huli sa Asia-Pacific Region. “Kahit anong diplomatic protest hindi naman pinapakinggan ng China.” sabi pa nito. Nararapat naman na maparasuhan ang mga tauhan ng China Coast Guard dahil sa paggamit ng military-grade laser light sa mga tauhan ng PCG sabi ni Sen. Risa Hontiveros. Giit ng senadora bukod sa ilegal ang presensiya ng puwersa ng China sa teritoryo ng Pilipinas, nananakit na rin ang mga ito ng mga Filipino. Samantala, sinabi ni Sen. Francis Tolentino na dapat na kumilos ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa panibagong insidente. Ito aniya nararapat para ipatawag ang Chinese ambassador at makapaghain ng panibagong diplomatic protest.

Read more...