Sa ngayon, pawang mga spekulasyon pa lang ang mga ulat na bibigyan ni incoming President Rodrigo Duterte si Sen. Bongbong Marcos ng pwesto sa kaniyang Gabinete.
Ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, marami pang maaring maganap sa loob ng isang taong ban on appointments sa mga natalong kandidato, dahil iyon lang ang panahon kung kailan pwede nang mabigyan ng posisyon si Marcos.
Wala pa rin naman aniya siyang naririnig na pormal na alok mula kay Marcos, pero nilinaw niyang prerogative ng pangulo ang pagta-talaga ng kung sinuman ang sa tingin niyang kwalipikado para sa isang pwesto.
Masyado pa aniyang matagal ang isang taon para pag-usapan na ang mga posibleng mangyari kung may mga nagpaparamdam at bumibisita ngayon sa pangulo.
Nang tanungin naman siya kung nararapat nga bang maging bahagi ng Gabinete si Marcos, iginiit ni Cayetano na hindi naman pananaw niya ang mahalaga kundi ang sa pangulo.
Gayunman, inamin niya na mangyayari talaga na hindi lahat ng itatalaga ni Duterte ay kaniyang magugustuhan.