$10 bilyong investment nakuha ni Pangulong Marcos sa Japan trip

 

Tokyo, Japan—Nasa $10 bilyong halaga ng investement ang nakuha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa limang araw na working visit sa Japan.

Ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual, nangangahulugan ito ng P550 bilyon at libu-libong trabaho.

Sinabi pa ni Pascual, nasa bola na ngayon ng Pilipinas kung paano pananatilihin pa sa bansa ang mga dayuhang negosyante.

“Pero ang complaint pa rin nila mabagal. Long time ago, we have held on the ball. We need to shoot the ball now and make a score. Let’s not drop the ball,” pahayag ni Pascual.

Ito aniya ang dahilan kung kaya patuloy na pinagsusumikapan ni Pangulong Marcos na madaliin ang proseso ng pagnenegosyo sa Pilipinas.

Halimbawa na ang itatayong “Green Lane” kung saan naging simple at madali ang pagproseso ng mga requirements ng mga dayuhang mamumuhunan.

Sa ngayon aniya, wala namang siyang naririnig na reklamo sa mga dayuhang mamumuhunan maliban sa mabagal na proseso ng papales.

Pagtitiyak ni Pascual, agad na mararamdaman ng taong bayan ang mga naiuwing investment ni Pangulong Marcos.

Kumpiyansa si Pascual na marami pang investment na makukuha ang Pangulo lalo’t matagal pang matapos ang taon.

Nasa buwan pa lamang aniya ng Pebrero pero bilyong halaga na ng investment ang nakuha ng Pangulo.

 

Read more...