Pag-iimbestiga sa Sibuyan mining ops pinasisimulan ni Hontiveros

OSRH PHOTO

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang mga kapwa senador na pasimulan agad ang pag-iimbestiga sa mga isyu na bumabalot sa operasyon ng minahan sa Sibuyan Island sa Romblon.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 459 para malaman kung may dapat papanagutin sa isyu, kasunod na rin ng matinding oposisyon sa operasyon ng Altai Philippines Mining Corp.

Sinadya pa ni Hontiveros ang Sibuyan at nakipag-diyalogo sa mga Sibuyanons.

“It may be about time to evict these illegal miners once and for all. Nakita ko mismo ang sinasabing iligal na causeway. May cease and desist order na dapat sa operation pero nang pumunta ako doon, malinaw na may movement pa rin sa parte na sinabi na ngang bawal. Walang puwang sa Sibuyan ang mga hindi marunong sumunod sa batas,” sabi ng senadora.

Gusto din malaman ni Hontiveros kung ano ang naging bahagi ng lokal na pamahalaan at pulisya sa pagmimina sa isla, gayundin sa naging karahasan sa barikada ng mga residente.

“Panawagan ko sa aking mga colleagues, buksan na natin sa senado ang isyu na ito nang mapanagot na ang mga totoong responsable. Hindi dapat pinapaasa ang mga residente, lalo na at dalawa’t kalahating linggo na silang nagbabarikada. Two have already been injured simply because of resisting the mining operations. Noong 2007, pinatay din si Councilor Armin Marin dahil sa kanyang paglaban sa pagmimina sa Sibuyan. Dapat hindi na ito madagdagan,” banggit pa ni Hontiveros.

Read more...