kinukunsidera ang pagkabawi sa lisensiya ng recruitment agency na nagpadala kay Jullebee Ranara dahil sa kanyang brutal na sinapit sa Kuwait.
Bunga nito, nanawagan ang Philippine Recruitment Agencies o PRA na pag-isipan mabuti at huwag maging padalos-dalos sa naturang opsyon.
Sinabi ni PRA legal counsel, Atty. David Castillon kapag isinara o binawi ang lisensiya ng Catalyst International Recruitment aabot sa anim hanggang pitong libong overseas Filipino workers (OFWs) ang maaapektuhan.
Ang libo-libong OFWs, sabi pa ni Castillon, ay nakakapag-trabaho ngayon sa ibang bansa dahil sa Catalyst.
Idinagdag pa nito na labis na kalungkutan ang bumalot sa PRA sa sinapit ni Ranara kaya naman agad na ibinigay ang kinakailangan at nararapat na tulong sa mga naulila ng biktima.
Kasabay nito, umapila na si Castillon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at sa mga mambabatas na bigyang bigat ang panig ng PRA bago magdesisyon.
Nagpasalamat naman ang PRA sa Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa pag-intindi sa kapakanan at pangangailangan ng OFWs.
Kasabay nito, nagpahayag na ang PRA ng panghihinayang sa deployment ban ng mga bagong OFWs sa Kuwait sa pag-asang mas mapapagbuti pa ang ‘bilateral agreement’ para sa proteksyon ng mga manggagawang Filipino.